Magiging hatol kay LCPL Joseph Scott Pemberton sa kasong pagpatay sa isang transgender, posibleng ilabas sa December 1

by Radyo La Verdad | November 24, 2015 (Tuesday) | 2895

ATTY.-VIRGIE-SUAREZ
Itinakda na ng Olongapo Regional Trial Court Branch 74 sa susunod na linggo ang promulgation sa magiging hatol sa murder case na kinakaharap ni U-S Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton kaugnay ng kasong pagpatay sa transgender na si Jeffrey Laude.

Dito malalaman kung guilty si Pemberton sa pagpatay kay Laude o kung ibaba ang kaso sa homicide batay sa mga iprinisintang ebidensya at testigo ng depensa at prosekusyon.

Ngayong araw sana gagawin ang promulgation sa kaso ni Pemberton ngunit hindi ito natuloy.

Sa isang text message, sinabi ng panig ng prosekusyon na nailipat ng December 1 ang promulgation matapos itong hilingin sa korte ng mga abogado ni Pemberton dahil sa prior engagements.

Naniniwala naman ang isa sa mga abugado ng pamilya Laude na si Atty Virgie Suarez na walang magiging negatibong epekto ang pagpapaliban sa promulgasyon at magiging paborable sa kanilang kliyente ang magiging desisyon ng korte.

Ayon naman sa alkalde ng Olongapo City na si Rolen Paulino, malaking bagay para sa kanilang lugar kung matatapos na ang paglilitis sa kaso ni Pemberton na naka-apekto ng malaki sa sektor ng turismo ng lungsod.

Sa araw ng promulgation ay inaasahang magiging mahigpit ang seguridad sa paligid ng Regional Trial Court sa Olongapo City dahil sa posibleng pagsasagawa ng kilos protesta ng mga taga-suporta ng pamilya Laude. (Joshua Antonio/UNTV News)

Tags: , , ,