Matagal ng problema ang mabigat na traffic sa Metro Manila dahil sa dami ng mga sasakyan.
Ngunit mas ikinababahala naman ng Department of Health (DOH) ang perwisyong dulot sa kalusugan ng tao ng usok na ibinubuga ng mga sasakyan.
Ayon kay DOH Undersecretary Eric Domingo, karaniwang tinatamaan ng sakit sa baga ang mga taong madalas na nasa kalsada.
Nilinaw naman ng DOH na wala pa sa critical level ang polusyon sa hangin sa Pilipinas nguni’t kung pababayaan ang problema, maaring mabalot ng smog ang buong bansa gaya ng nakikita sa Metro Manila.
Ang smog ay pinagsamang smoke at fog o usok na may kasamang kemikal, dumi at alikabok na humahalo sa hangin.
Paliwamang din ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), mahigpit nilang binabantayan ang kalidad ng hangin sa bansa. Magkatuwang ang DOH at DENR upang magbantay sa pollution index meter ng Pilipinas.
Malaking porsyento ng polusyon sa hangin sa bansa ay galing sa usok ng sasakyan subalit nakakadagdag dito ang usok mula sa pagsisiga, pagluluto gamit ang kahoy sa loob ng bahay at paninigarilyo.
Palala ng DOH sa publiko, protektahan ang sarili laban sa maruming hangin. Ugaliin na magsuot ng masks, lalo na kapag exposed sa usok at alikabok gaya ng mga jeepney driver.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )
Tags: DOH, exposure, lung cancer