Madalas na delay sa biyahe ng mga eroplano, asahan na ngayong long holiday – CAAP

by Erika Endraca | April 17, 2019 (Wednesday) | 12929
Photo Courtesy : ejobnet.info

Manila, Philippines – Nag abiso na ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa mga bibiyahe sakay ng eroplano, na asahan ang madalas na delay ngayong long holiday.

Naantala ang ilang biyahe ng eroplano kahapon sa NAIA terminal 4 na papunta ng El nido, Palawan at Tagbilaran, Bohol.

Atrasado ang biyahe ng mahigit 30 minuto,kaya naman bahagyang naabala ang mga pasahero.

Paliwanag ng CAAP, dahil sa dami ng eroplanong bumibiyahe hindi naiiwasan na mayroong isang nade-delay nagkakaroon ng domino effect kaya’t nadadamay rin ang iba pang mga flight.

Bukod sa pagdagsa ng mga bumibiyahe, nakaambag rin sa pagkaantala ng ilang biyahe ng eroplano ang ginagawang taxi way sa runway ng NAIA.

Ito’y matapos na mapansin ang ilang bitak na delikado para sa mga eroplano.

“Ang isang problema natin yung taxiway na ginagawa which is taxiway charlie, this is the taxiway of the main runway hindi makadaan ang eroplano coming from terminal 3 going to its departure runway 06 using charlie” ani DOTR Aviation Undersecretary  Manuel Antonio Tamayo

Noong Marso pa sinimulan ng CAAP na kumpunihin ang taxi way at ina-asahang matatapos sa loob ng 2 buwan.

Samantala para naman sa mga pasaherong na-delay ang flights nagpa-alala ang Civil Aviation Board (CAB) kaugnay sa air passenger bill of rights.

Ayon sa CAB, may karapatan ang mga pasahero na makakuha ng kompensansyon o refund sa kanilang ticket kung sakaling mapatunayan na may kapabayaan ang airline.Pero paliwanag nila dadaan iyon sa masusing validation.

“Ngayon ang kailangan muna natin idistinguish ano ba yung dahilan ng delay kasi nagkaroon tayo ng mga upgrade sa airport pansamantalang pagkakadelay ng mga flights natin at ito’y dahilan sa mga upgrading natin sa airport at yang mga bagay na yan ay kinoconsider natin na beyond sa control ng airline kasi kapag beyond the control wala tayong penalty” ani CAB Exec Dir. Attor. Carmelo Arcilla

Sa kabila ng posibleng pagkaantala ng biyahe,patuloy pa ring pinapayuhan ang mga pasahero na magpunta ng maaga sa airport upang hindi maiwanan ng kanilang flight.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr)  mas makabubuti rin kung mag check in na online ang mga pasahero upang mas mapabilis ang proseso at makaiwas sa abala.

(Joan Nano | Untv News)

Tags: , ,