LTFRB, sinimulan na ang pagreview sa bagong patupad na dagdag pasahe sa jeep at bus

by Radyo La Verdad | November 8, 2018 (Thursday) | 9073

Inumpisahan na kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang muling pagbusisi sa bagong patupad na dagdag pasahe sa jeep at bus.

Kasama ng LTFRB sa pagre-review ng fare hike ang National Economic Development Authority (NEDA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pang mga ahensya ng pamahalaan.

Tiniyak ni LTFRB Chairman Martin Delgra na pag-aaralan nilang mabuti ang mga batayan ng dagdag pasahe at sisiguraduhing magiging patas ito sa mga pasahero at transport groups.

Bukod sa presyo ng langis, marami pang aspeto aniya ang gagamitin nilang batayan sakaling rebisahin ang taas-pasahe.

Ngunit giit ng transport group na FEJODAP, hindi sapat na batayan ang apat na linggong rollback sa presyo ng langis upang bawiin ang dagdag pasahe.

Aniya, inabot ng mahigit isang taon bago naaprubahan ang dalawang pisong dagdag pasahe. Kaya’t malaki na ang kanilang lugi dahil sa haba ng panahon na hinintay bago pinayagan ang fare increase.

Samantala, ipinaliwanag din ng LTFRB ang isyu hinggil sa paggamit ng km basis sa bagong taripa. Sa halip na destinasyon o lugar, distansya o kilometro na ang makikita ng mga pasahero sa bagong fare matrix upang malaman kung magkano ang babayarang pamasahe.

Tiwala naman si Chairman Delgra na hindi ito pagmumulan ng overcharging sa mga pasahero at tiniyak na parurusahan ang sinomang tsuper na magsasamantala dito.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,