LTFRB, nagsimula nang maginspeksyon sa mga terminal ng bus

by monaliza | March 21, 2015 (Saturday) | 2002
File photo: UNTVweb.com
File photo: UNTVweb.com

Inumpisahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang paginspeksyon sa mga provincial bus bilang bahagi ng programang “Oplan Ligtas Biyahe”.

Layon ng ahensya na tiyakin ang kondisyon ng mga bus para masiguro ang kaligtasan ng mga pasaherong uuwi sa kanilang probinsya sa darating na long holiday sa Abril 2 hanggang 5.

Unang binusisi ng LTFRB ang mga bus ng Alps Incorporated sa garahe nito sa Cubao, Quezon City.

Napansin ng mga opisyal ng LTFRB na walang headlight, sira ang windshield, at walang persons with disability (PWD) sticker ang ilang bus units ng Alps.

Dahil sa mga nakitang depekto sa mga bus, pagmumultahin ng LTFB ang bus company. Nangako naman ang may-ari ng Alps na aayusin nila ang mga nakitang depekto sa mga bus.

Kabilang din sa mga ininspeksyon ng LTFRB ang apat na unit ng San Agustin Bus na katabing terminal ng Alps.

Sa kabuuan, nais matiyak ng ahensya sa kanilang paginspekyon na ang mga pampasaherong bus ay mayroong seatbelt, upuan para sa mga may kapansanan o PWD, unit at plate number na malinaw sa paningin, ruta at hotline number ng LTFRB at mga kaukulang dokumento gaya ng prangkisa, rehistro ng mga bus, at fare matrix.

Magkakaloob naman ng special permit ang LTFRB sa mga out-of-line bus para makapagbiyahe sa mga lalawigan sa paparating na long holiday. Hanggang 700 special permits lamang ang ipapamahagi ng ahensya mula Marso 29 hanggang Abril 6.

Tags: , , , ,