LTFRB nagpaalala sa mga pasahero na huwag sasakay sa mga colorum na sasakyan

by Erika Endraca | October 28, 2019 (Monday) | 23293

METRO MANILA – Mahigpit na pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga pasahero na huwag sasakay mga colorum na sasakyan dahil wala itong insurance para sa mga pasahero.

Ibig sabihin sakaling maaksidente walang makukuhang anomang financial assistance ang sinomang lulan ng colorum na sasakyan. Kaya bilang gabay sa mga pasahero, naka-post sa official facebook page ng LTFRB ang mga dapat tandaan kapag sasakay ng mga pampasaherong sasakyan.

Una suriing mabuti kung tama ang body markings ng sasakyan, kinakailangan mayroon itong LTFRB case number, hotline number, ruta at pangalan ng operator. Iwasang sumakay sa mga heavily tinted na sasakyan,dahil ipinagbabawal ito ng LTFRB sa mga pambulikong sasakyan.

Dapat ring nakasuot ng maayos na uniporme ang driver. At dapat na nakapaskil ang fare matrix o taripa sa loob ng sasakyan. Colorum na maituturing ang isang sasakyan kung bumibiyahe ito sa rutang iba sa nakasulat sa body markings nito.

Sa ilalim ng joint administrative order 2014-01 ang mga mahuhuling colorum na bus ay pagmumultahin ng P1M. P200,000 para sa van. P120,000 sa sedan gaya ng taxi. P50,000 sa jeep at P6,000 sa mga motorsiklo.
(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,