Isang inspirasyong maituturing ang bansang China pagdating sa patuloy na paglago at pagtatag ng kanilang ekonomiya. 1970’s nang nagsimula ang bilateral relations ng Pilipinas at China. Simula pa noon, masasabing maayos ang pakikitungo ng dalawang bansa sa isa’t-isa.
Sa kabila ng pagkapanalo ng Pilipinas sa 2016 The Hague Decision, tahimik pa rin ang dalawang bansa sa diplomatikong paraan para patuloy na resolbahin ang isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Sa kabila nito, tila nababahiran naman ng maling interpretasyon ang mga tulong na inaalok ng China sa Pilipinas. Ang belt and road project ang isa sa mga inisyatibo ng China pagdating sa pagtulong nito sa mga bansa.
Nakinabang sa Belt and Road Initiative (BRI) ang ilang bansa tulad ng Sri Lanka at Pakistan, pero tila nabaon sa utang sa China ang mga ito.
Sa kabila nito, ayon kay Professor Lucio Blanco Pitlo III, malayong mangyari ito sa Pilipinas kung sakaling magtutuloy-tuloy ang alok na tulong ng China dahil kumpara sa ilang kalapit na bansa, may mas mataas na credit rating at stable ang economic growth ng Pilipinas.
Dapat aniyang pag-aralang mabuti ng pamahalaan ang mga proyekto at kasunduang papasukin nito sa gobyerno ng China para hindi matulad sa pagkakasadlak ng ilang bansang tinanggap ang BRI ng China.
Payo din ni Jose Luis Yulo Jr., ang presidente ng Chamber of Commerce of Philippine Islands na dapat maging smart player ang gobyerno dahil ganito rin ang ginawa ng bansang Japan at South Korea.
Umaasa naman ang ilang eksperto na mas mapalalakas pa ang relasyon at mas mapapalawig ang kalakaran ng dalawang bansa, sa pagbisita ni President Xi Jing Ping sa ikatlong linggo nitong Nobyembre.
( JL Asayo / UNTV Correspondent )
Tags: China, Pilipinas, President Xi Jing Ping