Liderato ng Senado, inilagay sa kanilang kustodiya si Sen. Trillanes

by Radyo La Verdad | September 5, 2018 (Wednesday) | 2602

Nagdesisyon si Senate President Vicente Sotto III na isailalim muna sa temporary custody ng mataas na kapulungan ng Kongreso si Senator Antonio Trillanes IV. Ito ay habang pinaplano ng kampo ng senador ang mga ligal na hakbang upang kontrahin ang pagpapa-aresto sa kaniya.

Kahapon habang nagsasagawa ng pagdinig ang kumite ni Sen. Trillanes sa isyu ng security agency ng pamilya ni Solicitor General Jose Calida, nasa labas naman ng gusali ng Senado ang mga tauhan ng Philippine National Police-CIDG na aaresto sa kanya kaugnay ng revocation ng kaniyang amnestiya.

Sa privilege speech ng senador, ipinakita nito ang video na kuha noong Enero 2011, kung saan makikita ang kanyang aplikasyon sa amnestiya kasama na ang kanyang interview kaugnay sa admission of guilt.

Ayon sa senador, patunay lamang ito na kumpleto ang kaniyang requirements para sa kaniyang amnesty application. Dahil dito, malinaw umano na walang basehan ang pag-aresto. Kailangan pang makuha ang majority vote ng Kamara at Senado batay sa nakasaad sa section 17 article7 ng Saligang Batas.

Para naman kay Magdalo Partylist Representative Gary Alejano, malinaw umano na paghihiganti ng administrasyon ang utos na arestuhin si Senator Trillanes.

Sinabi naman ni Vice President Leni Robredo na ang ginawa kay Trillanes ay patunay lamang na gagawin ng administrasyong ang lahat para patahimikin ang sinomang kumokontra rito.

Ayon naman sa legal team ni Sen. Trillanes, hindi rin maaaring buhayin ang kasong kudeta nito sa Makati Regional Court dahil ang naturang ruling noong 2011 ay “final and executory” na.

Para naman kay Senator Ralph Recto, dapat mabigyan ng pagkakataon ang senador na i-challenge ang pagbawi ng amnestiya.

Pinag-iisapan na ng kampo ni Trillanes na magsampa ng petisyon sa Korte Suprema kaugnay ng isyu ng pagbawi sa kaniyang amnestiya.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,