Libreng tuition sa mga state universities and colleges, malaking tulong sa mga estudyante sa Pampanga

by Radyo La Verdad | May 29, 2018 (Tuesday) | 2772

Incoming 4th year student sa kursong BS Development Communication ng Pampanga State Agricultural University sa bayan ng Magalang sina Alaine Mangalus at Aldrin Crisostomo.

Isang backhoe operator ang ama ni Alaine at security guard naman ang tatay ni Aldrin.

Anila, hindi sapat ang kinikita ng kanilang mga magulang para tustusan ang kanilang pag-aaral kaya humahantong minsan sila sa pangungutang.

Kaya laking tuwa ni Alaine at Aldrin dahil ngayong semestre ay mababawas na sa bubunuin at pagpupuyatan ng kanilang mga ama ang apat na libong pisong matrikula at iba pang gastusin sa kolehiyo.

Ilan lamang sina Aldrin at Alaine sa libu-libong mga kabataang makikinabang sa libreng tuition na ipinagkaloob ng pamahalaan.

Bukod dito ay magkakaloob din ang gobyerno ng 60,000 piso bawat estudyante sa mga marginalized sector na gusto namang mag-aral sa mga private institutions.

Sa ngayon ay inihahanda na ng Pampanga State Agricultural University ang posibleng pagdagsa ng mga estudyanteng papasok ngayong taon.

 

( Leslie Huidem / UNTV Correspondent )

Tags: , ,