Lebel ng tubig sa Marikina River, mababa na; mga pamilyang lumikas kahapon, nakauwi na

by Radyo La Verdad | July 18, 2018 (Wednesday) | 6476

Sa evacuation center nagpalipas ng magdamag ang daan-daang residente sa Marikina dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig sa Marikina River bungsod ng tuloy-tuloy na pag-ulan kahapon.

Ang Barangay Tumana, Malanday at Nangka ang pinaka apektado tuwing tumaas ang water level ng ilog. Sa Malanday Elementary School, umabot sa mahigit walong daang indibidwal ang lumikas sa lugar.

Tila nakasanayan na rin ng mga residente ng Marikina City ang ganitong eksena kaya sinasabing calamity resilient na ang mga tao sa lugar at alam na rin ang gagawin kapag tumataas ang lebel ng tubig.

Subalit sa kabila ng magdamag na pabugso-bugsong pag-ulan, nanatiling mababa sa 16 meters ang lebel ng tubig ng Marikina River.

Kaya kaninang umaga nagsimula nang mag-uwian ang mga lumikas na residente matapos bigyan ng clearance na makabalik sa kanilang mga tahanan.

Bago umuwi, binigyan ng lokal na pamahalaan ang bawat pamilya ng 15 kilos na bigas at medical assistance.

Sa kabila ng mababa sa critical level ang tubig sa ilog, patuloy na nakaantabay ang Barangay Disaster Risk Reduction and Management Council (BDRRM) at  Marikina Rescue 161 sa posibleng pagtaas ng water level.

Paalaala rin ng BDRRM, kung aabot ng 17 meters ang taas ng tubig, kailangan nang lumikas sa mga evacuation centers ang mga residenteng malapit sa ilog at kung aabot sa18 meters ang lebel ng tubig magsasagawa na ng force evacuation ang lokal na pamahalaan sa mga apektadong barangay.

 

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,