Dalawang magkahiwalay na aksidente sa Pampanga, nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | April 11, 2016 (Monday) | 1566

JOSHUA_TMBB
Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang banggaan ng motorsiklo at tricycle sa kahabaan ng Mc Arthur Hi-way sa Barangay Sampaloc, Apalit, Pampanga pasado alas kuwatro ng hapon kahapon.

Nagtamo ng hiwa sa kaliwang kamay at sugat sa kanang binti ang sakay ng motorsiklo na si Braulio Cabug Bernacer.

Samantalang nagtamo naman ng sugat sa kanang kilay at kanang kamay ang driver ng tricycle na si John Mike Blas.

Na kaagad namang binigyan ng first aid ng UNTV News and Rescue Team at saka dinala ang mga ito sa Jose B. Lingad Hospital.

Samantala, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team ang driver ng SUV na nahulog sa bangin sa bahagi ng Olongapo-gapan road sa bayan ng Bacolor Pampanga, alas onse ng gabi noong biyernes.

Kinilala ang biktima na si Timothy Joshua Gasgonia, disi -nueve anyos na nagtamo ng malalim na sugat sa kaliwang mata at pisngi na kaagad namang binigyan ng paunang lunas ng Untv News and Rescue Team at saka inihatid sa Jose B. Lingad Hospital ang biktima.

Kasama ni Joshua sa SUV na nahulog ang siyam na kaibigan na nagtamo rin ng malulubhang sugat na tinulungan naman ng iba pang rescue unit.

Ang isa naman nilang kasama na labing pitong taong gulang na babae ay idineklarang dead on arrival.

Ayon sa PNP ng Bacolor, pauwi na ang mga ito galing sa isang kasiyahan nang biglang nag preno at umikot ng maraming beses ang kanilang sasakyan at tsaka nahulog sa bangin.

(Joshua Antonio / UNTV Correspondent)

Tags: