Hindi matanggap ng magulang ng biktima ang sinapit ng kanilang anak matapos itong barilin sa Matapang Street Barangay Commonwealth sa lungsod ng Quezon.
Bandang ala una kaninang madaling araw natagpuang wala nang buhay sa tapat ng junkshop ang 23 anyos na si Mark Adora na residente ng Samaria St. sa naturang barangay.
Sa inisyal na ulat ng mga pulis nagtamo ng mga tama bala sa ulo at katawan ang biktima.
Narekober sa crime scene ang 7 basyo ng 9mm kalibre na baril.
Ayon sa ina ng biktima wala siyang nakilalang nakaaway ang kanilang anak at naikwento pa nito na ipapabarangay umano siya ng magulang ng kanyang kasintahan sa hindi pa batid na dahilan.
Dagdag din nila mabait ang kanilang anak at tumutulong din sa kanilang paghahanapbuhay sa pagbebenta ng brush na ginagamit sa paglalaba.
Wala namang nakakita sa pangyayari at madilim ang lugar sa pinangyarihan ng insidente.
Sa ngayon patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang pangyayari at naghahanap na din sila ng mga testigo at CCTV footage para makatulong sa kanilang imbestigasyon para matukoy ang mga suspek.
(Reynante Ponte/UNTV Radio)
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com