Labi ng walo sa mga magsasakang pinatay sa Sagay City, Negros Occidental, inilibing na

by Radyo La Verdad | October 29, 2018 (Monday) | 1976

Bandang alas diyes ng umaga kahapon nang inilibing sa Bulanon Cemetery ang labi ng anim sa siyam na mga magsasaka ng tubo na pinaslang sa Hacienda Nene sa Brgy. Bulanon, Sagay City noong ika-20 ng Oktubre.

Ang dalawa naman ay sa ibang sementeryo sa lugar inilibing, habang ang isa sa mga biktima ay ngayong araw naman nakatakda ang funeral service.

Hanggang ngayon ay naghihinagpis pa rin ang mga kaanak ng mga biktima at bagaman hindi na humrap pa sa mga kawani ng media, nanawagan ang mga ito ng hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Samantala, nagsampa na ng kasong multiple murder ang Sagay City PNP sa Sagay City Prosecutor’s Office laban sa mga suspek sa pamamaslang.

Dalawa dito ang kinilalang si Rene Manlangit, 43 anyos at Rogelio Arquillo, 49 anyos na pawang residente ng Brgy. Bulanon at iba pang hindi nakikilalang suspek.

Ayon sa PNP, nahihirapan sila sa imbestigasyon sa kaso dahil sa takot magsalita ang ilang mga residente sa lugar kaugnay ng pangyayari.

Kasama din sa iimbestigahan ng PNP ang 25 donees, land owner at ang lessor ng Hacienda Nene kung saan naganap ang pamamaslang.

Bumuo na rin ng special task force hustisya ang Negros Occidental Provincial Government upang mapanagot ang mga suspek at sangkot sa pamamaslang sa mga biktima.

 

( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )

Tags: , ,