Korte Suprema, hinimok na desisyunan na ang petisyon na obligahing magdaos ng joint session ang Kongreso

by Radyo La Verdad | July 14, 2017 (Friday) | 3878

Hiniling ng grupo ni Senador Leila de Lima sa Korte Suprema na magdesisyon na sa kanilang petisyon na obligahing magdaos ng joint session ang Kongreso.

Sa Martes na ang huling En Banc Session ng Korte bago mapaso ang deklarasyon ng martial law sa July 22.

Makabubuti anila kung dedesisyunan na ito ng Korte dahil mas magiging kumplikado ang usapin kapag nagpasya si Pangulong Duterte na palawigin ang batas-militar sa Mindanao.

Mahalaga rin anila ang magiging desisyon ng SC dahil magsisilbi itong gabay sa kaparehong mga sitwasyon.

Magiging moot o wala nang saysay ang petisyon sakaling hindi maglabas ng desisyon ang SC hanggang sa mapaso ang Proclamation no. 216.

Pero ayon sa grupo, maaari pang magdesisyon dito ang Korte Suprema.

Hindi na mahalaga sa grupo kung pagtitibayin o babawiin ng Kongreso ang martial law. Ang kailangan lang ay gawin ng Kongreso ang kanilang trabaho.

Dati nang naglabas ng magkahiwalay na resolusyon ang Senado at Kamara at sinabing may sapat na basehan ang deklarasyon ng pangulo.

Ngunit para sa petitioners, hindi ito sapat sa kung ano ang hinihingi ng saligang-batas.

(Roderic Mendoza / UNTV Coresspondent)

Tags: , ,