Konstruksyon ng P12.6B bulk water supply project sa Davao City, sisimulan na

by Radyo La Verdad | November 27, 2018 (Tuesday) | 9334

Isang 12.6 bilyong piso na bulk water supply project ang itatayo sa Davao City. Target nitong mapalitan ng ang groundwater wells o mga balon bilang pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig sa Davao City.

Sa pamamagitan ito ng sustainable infrastructure na magsusuplay ng tubig sa syudad mula sa Tamugan River.

Kahapon ay pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang groundbreaking para sa pagsisimula ng proyekto na target matapos sa taong 2021.

Kapag natapos ang proyekto, inaasahang makapagbibigay ito sa Davao City Water District ng mahigit sa 300 milyong litro ng ligtas na inuming tubig sa mga Davaoeño.

Ayon sa Apo Agua Infrastructura Inc., ang joint venture sa pagitan ng Aboitiz Equity Ventures Inc. (AEV) at J.V. Angeles Construction Corporation ang responsable sa konstruksyon ng proyekto.

Sa pamamagitan ng bulk water supply project ay mapapangalagaan ang water sources ng Davao City at maiiwasan ang environmental degradation.

Inaasahang masosolusyunan din nito ang nararanasang kakulangan ng supply ng tubig sa ilang lugar sa syudad tulad sa Brgy. Cabantian.

 

( Marisol Montaño / UNTV Correspondent )

Tags: , ,