Konstruksyon ng P7.3B Panguil Bay Bridge sa Lanao del Norte, sisimulan na

by Radyo La Verdad | November 29, 2018 (Thursday) | 5593

SIMEON CELI JR./PRESIDENTIAL PHOTO

Mula sa dating isa’t kalahating oras na byahe mula sa Lanao del Norte hanggang sa Misamis Occidental, sa pamamagitan ng barge ay magiging pitong minuto na lamang ito kapag natapos na ang konstruksyon ng 3.7 kilometer Panguil Bay Bridge (PBB) na magkokonekta sa bayan ng Tubod Lanao del Norte at Tangub City, Misamis Occidental. Ito na ang magiging pinakamahabang tulay sa Pilipinas.

Kahapon ay pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang groundbreaking ceremony para sa pagsisimula ng konstruksyon ng tulay na nagkakahalaga ng 7.3 bilyong piso.

Target itong matapos sa Nobyembre 2021, ito ang unang makukumpleto sa labing anim na tulay na itatayo sa bansa sa ilalim ng ‘Build, Build, Build’ program ng pamahalaan.

Sa kanyang talumpati, nagpasalamat si Pangulong Duterte sa South Korea sa pagpopondo sa konstruksyon ng Panguil Bay Bridge.

Paalala naman ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga opisyal ng pamahalaan sa probinsya, iwasang masangkot sa katiwalian at iligal na droga upang magtuloy-tuloy aniya ang pag-unlad sa lugar.

 

( Weng Fernandez / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,