Kilalang drug lord sa Iloilo City at asawa nito, patay matapos pagbabarilin sa Caticlan

by Radyo La Verdad | August 29, 2016 (Monday) | 1242
Photo credit: Rodnel Aguirre
Photo credit: Rodnel Aguirre

Patay ang umano’y drug lord sa Iloilo na si Melvin Odicta at ang kanyang misis na si Merriam matapos pagbabarilin sa Caticlan Jetty Port sa Malay, Aklan, kaninang ala-1:00 ng madaling araw.

Ayon kay Aklan Police Provincial Director PSSupt.John Mitchel Jamili, bandang ala una y media kaninang madaling araw ng makatangap sila ng tawag na may nangyaring shooting incident sa Caticlan Port.

Nadatnan ng mga otoridad ang dalawang katawan ng biktima sa daanan ng port.

Dinala pa sa ospital ang mag-asawang Odicta ngunit kalaunan ay namatay rin dahil sa tinamong tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Sa initial na imbestigasyon ng mga pulis, pagkababa ng mag-asawa sa pantalan ay kaagad itong pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang suspek.

Nauna rito, napabalitang sumuko ang mag-asawa kay Interior Secretary Mike Sueno sa Camp Crame sa Quezon City at ibubulgar sana ang pangalan ng mga government officials na umano’y sangkot sa illegal drug operations.

Ilan umano sa papangalanan ukol sa Odicta’s matrix personalities ay mga senador, congressmen at ilang local officials.

Si Odicta ay kasama sa listahan ng pinaghihinalaang drug personalities ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Region 6.

Sumuko na rin ang mag-asawa sa Iloilo City Police Office.

Si Odicta ay nahatulan ng life imprisonment dahil sa paglabag sa Dangerous Drugs Act subalit napalaya sa hindi malamang dahilan.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulis sa insidente.

(Lalaine Moreno / UNTV Correspondent)

Tags: ,