Bumuhos ang daan-daan nating mga kababayan upang makiramay sa libing ng 17 anyos na biktima ng anti-drug war ng pamahalaan na si Kian Delos Santos noong Sabado.
Ang mga residente sa Caloocan, kani-kaniyang puwesto para masilayan ang pagdaan ng labi nito. Ang isang ginang, hindi napigil ang sarili at isinigaw ang umano’y pagkamatay din ng kanyang anak.
Pagtapat sa Police Community Precint-7 ng Caloocan City Police ay huminto pa sandali ang mga nagpaparada para isigaw ang kanilang saloobin. Ayon sa mga nakaduty na pulis, apektado ngayon ang kanilang operasyon dahil sa nangyari.
Bago ilibing si Kian sa La Loma Cemetery, nagbigay ng maiksing talumpati ang magulang nito upang pasalamatan ang mga sumuporta. Inalala ng kanyang ama kung paano ang ginagawang pagtulong sa kanya ng kanyang anak sa kanilang hanap-buhay. Naghihinapis ang pamilya dahil ang paghihirap nilang maitaguyod ang anak ay nawalan anila ng kabuluhan.
Nanawagan naman ang Malakanyang sa publiko na ipaubaya na sa batas ang pagresolba sa kaso ni Kian.
(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)
Tags: Caloocan City Police, inilibing na, Kian