Kawalan ng disiplina ng ilang motorista ugat ng lumalalang traffic sa EDSA – MMDA

by Erika Endraca | August 9, 2019 (Friday) | 5262

MANILA, Philippines – Labis na perwisyo ang inabot ng mga motorista at commutters dahil sa matinding traffic sa Edsa, kasabay ng nararanasang malalakas na pag-ulan simula pa noong Biyernes (August 2).

Isinisisi ang ilang araw na pagtukod ng traffic, sa mahigpit na pagpapatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng yellow lane policy. 

Pero depensa ng MMDA, isina-saayos lamang nila ang linya upang maiwasan ang pagbalagbag ng mga city bus kaya’t nababarahan ang lane na daanan ng mga pribadong saksakyan na nangyari noong Lunes.

Sa kabila nito, inulan pa rin ng batikos sa social media ang MMDA na pinaratangan pang anti-commuter.

“Yang yellow lane inaabuso  din naman yang ng private motor vehicles na pumapasok kapag nakita nilang maluwag eh ganun din naman yung mga buses na kapag nakita nilang maluwag ang private vehicle lanes lumalabas sila ng yellow lane bumababa sila ng flyover bumababa sila ng underpass” ani MMDA Traffic Czar, Edison Nebrija.

Samantala, paliwanag naman ng MMDA, kung tutuusin ay hindi naman dapat nata-traffic ang mga bus sa yellow lane.

“Ano ba ang problema natin sa santolan merong mangagaling sa loob ng baranggay bagong lipunan ng crame sisingit sila duon sa linya ng mga bus, may mga nagu-uturn may mga tumatawid na pedestrian eh bago makabuhos yun pagkatapos stop na naman ilan lang naka-ano” ani MMDA Traffic Czar, Edison Nebrija.

Pero higit na ipinupunto ng mmda kung bakit lalo pang lumalala ang traffic sa Edsa ay dahil sa kawalan ng displina ng maraming motorista lalo na ang mga city bus driver.

“Discipline kapag tinanong mo yung bus alam mo ba yung tama lisensyado kaba, alam mo yung tama oo sir, alam mo yung mali yes sir alam mong mali yung ginagawa mo opo,eh bakit mo ginagawa traffic sir eh?” ani MMDA Traffic Czar, Edison Nebrija.

At dahil mahabang panahon pa ang hihintayin ng mga commuters bagong matapos ang mga bagong imprastraktura at mass transportation, walang magagawa ang publiko  kundi ang tiisin muna ang araw-araw na kalbaryo ng pagbiyahe sa Metro Manila.

(Joan Nano | Untv News)

Tags: ,