Kauna-unahang unemployment insurance sa Pilipinas, posibleng mapakinabangan na ng mga Pilipino sa susunod na taon

by Radyo La Verdad | October 12, 2018 (Friday) | 7792

Posibleng mapakinabangan na ng mga Pilipinong miyembro ng SSS ang unemployment insurance na kasali sa Social Security Act 2018.

Naratipikahan na ng Kongreso ang naturang batas at naghihintay na lamang ng lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pamamagitan nito, may makukuhang insurance ang isang empleyadong na biglaang mawawalan ng trabaho dahil sa iba’t-ibang kadahilanan.

Ayon sa batas, kalahati ng kabuuang halaga ng sweldo ng isang SSS member ay maaari niyang makuha bilang insurance.

Halimbawa, ang isang empleyado ng kumikita ng minimum na sweldo na 12,200 piso kada buwan ay maaaring makakuha ng 6,100 piso na unemployment insurance sa loob ng dalawang buwan. Pero kaakibat nito ay ang pagtaas rin sa buwanang kontribusyon ng mga miyembro ng SSS.

Ayon sa batas, simula sa susunod na taon ay tataas ng isang porsyento ang 11% na buwanang kontribusyon ng mga SSS members, tataas ito kada taon hanggang sa maging 15% sa taong 2025.

Ayon sa SSS, ito ang nakikitang pangmatagalang solusyon upang mapatatag ang SSS dahil sa mapapalaki nito ang pondo ng ahensya.

Pero paglilinaw ng SSS, hindi lahat ay maaaring makinabang sa unemployment insurance.

Samantala, ikinatuwa naman ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang bagong batas. Pero nais nila itong maamyendahan sa mga susunod na taon.

Ayon sa TUCP, dapat ring bantayang mabuti ng SSS ang ilang bagay na posibleng makasira sa ahensya gaya ng ibinibigay na malaking bonus sa mga empleyado, mga hindi natututukang investment ng SSS at mahigipit na pagbabantay sa mga delingkwenteng employer.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,