Kauna-unahang hemodialysis center ng Philippine Red Cross, inilunsad na kahapon

by Radyo La Verdad | November 7, 2018 (Wednesday) | 2246

Isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino ang pagkakaroon ng chronic kidney disease (CKD).

Nagkakahalaga ng P3,700 ang per session ng treatment ng isang dialysis patient  na kailangang magamot tatlong beses isang linggo. Kung susumahin, aabot sa P577,220 kada taon ang gagastusin ng isang taong may CKD.

At upang makatulong sa CKD patients, pormal nang binuksan kahapon ang kauna-unahahang hemodialysis center ng Philipine Red Cross (PRC).

Sampung hemodialysis at dalawang automated reprocessing machines ang iniregalo ng Tokushukai Medical Group upang tumulong sa pagtatatag ng hemodialysis center ng PRC.

Kasabay ng paglulunsad nito ngayong araw, itinatag na rin ang Dialysis Samaritan Program kung saan libre ang magiging gamutan ng mga pasyente sa pamamagitan ng sponsorship at PhilHealth coverage.

Prayoridad na magamot sa PRC hemodialysis center ang mga walang kakayahang pinansyal o indigents.

Bukod sa treatment, binuksan din ang dialysis center para sa nutritional assessment ng mga pasyente, health education ng kanilang mga pamilya. Bibigyan din ng livelihood projects at recreational activities na magpapagamot sa PRC hemodialysis center.

Ngayong araw, sisimulan nang salain ng PRC ang profile ng mga nagsumite ng application sa hemodialysis center. Operational na ito sa kalagitnaan ng Nobyembre mula alas sais ng umaga hanggang alas diyes ng umaga. Tatlumpung dialysis patient ang kayang i-accomodate araw-araw sa hemodialysis center.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,