Kauna-unahang eco-airport sa bansa, pormal nang binuksan

by Radyo La Verdad | November 28, 2018 (Wednesday) | 1672

Pormal nang pinasinayaan ang Bohol-Panglao International Airport (BPIA) na kauna-unahang eco-airport sa bansa.

Personal itong pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang ilan pang key officers. Ilan sa mga feature ng nasabing green airport ay ang pagkakaroon ng sewage disposal system at rain collection system. Mayroon din itong solar panel system na kayang mag-supply ng tatlumpung porsyento ng electrical requirements ng paliparan.

Ang BPIA ay mayroong 2.5 kilometers runway at maaari pang ma-extend dahil sa inaasahang paglaki ng bilang ng mga pasahero.

Itinuturing na “total upgrade” ang Panglao Airport ng kasalukuyang paliparan sa probinsya na Tagbiliran Airport. May kapasidad itong tumanggap ng halos dalawang milyong pasahero kada taon na doble sa kakayahan ng lumang paliparan. “Night-rated” din ito, ibig sabihin ay maaaring magkaroon ng flights sa gabi

Tiwala ang mga otoridad na lalo pang uunlad ang tourism sector at ekonomiya ng probinsya sa pagbubukas ng bagong airport. Inaasahan din na magdadala ito ng maraming negosyo na magbubukas ng mas maraming job opportunities mga Boholano.

Sa pamamagitan ng Bohol Panglao International Airport, mas magiging accessible na ang probinsya sa buong mundo.

Samantala, closed for operation na simula kahapon ang Tagbilaran Airport at ililipat ang mga flight nito sa BPIA. Mananatili namang bukas ang opisina nito hanggang ika-15 ng Disyembre para magbigay assistance sa mga pasahero.

 

( Gladys Toabi / UNTV Correspondent )

Tags: , ,