Kaso ng leptospirosis sa NCR, tumaas ng 60%

by Radyo La Verdad | July 3, 2018 (Tuesday) | 3733

Umapela ang Department of Health (DOH) sa mga lokal na pamahalaan na higpitan ang pagpapatupad sa tamang pagtatapon ng basura upang makaiwas sa leptospirosis.

Dahil aniya sa tambak na mga basura, nagbabara ang mga kanal o mga daluyan ng tubig na pinamumugaran ng mga daga na nagdadala ng leptospira bacteria.

Ginawa ng kagawaran ang panawagan dahil sa pagkabahala sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng leptospirosis sa bansa.

Sa National Capital Region (NCR) pa lamang, mula ika-1 ng Enero hanggang ika-1 ng Hulyo 2018, 234 na mga kaso na ang naitatatala ng DOH; tatlumpu’t walo na sa mga ito ang namatay. Mas mataas ito ng 60% sa naitalang kaso sa kaparehong panahon noong 2017.

Kahapon, binisita ni Health Sec. Francisco Duque ang San Lazaro Hospital na may tatlumpu’t anim na kaso ng leptospirosis. Isang anim na taong gulang ang pinakabatang pasyente doon.

Ang 10 taong gulang na si Jillian, nakuha ang leptospirosis matapos lumusong sa tubig baha nang inabutan ito ng ulan pagkatapos ng kaniyang klase.

Ayon sa tatay niyang si Mang Jaime, may sugat sa paa si Jillian at pagkaraan ng ilang araw ay nakaramdam na ito ng mga sintomas.

Babala ng DOH, nakamamatay ang sakit na ito kaya kinakailangan na mag-ingat at huwag lumusong sa baha lalo na kung may sugat.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,