Kaso ng HIV sa buong mundo, patuloy pa rin ang pagtaas – United Nations

by Radyo La Verdad | December 3, 2018 (Monday) | 8190

Sa kabila ng mas pinaigting na kampanya at mga programa laban sa Human Immunodeficiency Virus and Acquired Immune Deficiency Syndrome (HIV/AIDS), patuloy pa rin ang pagtaas ng mga kaso nito.

Mula sa 36.7 milyon na HIV cases sa buong mundo noong 2016, tumaas ito sa 36.9 milyon noong 2017 ayon sa Joint United Nations Programme on HIV/AIDS o mas kilala sa tawag na UNAIDS.

Mayorya sa mga ito ay mga may edad kinse pataas, habang 1.8 milyon naman ay mga kabataan na labing apat na taong gulang pababa, at nasa 9.4 naman ang mga hindi alam na mayroon silang HIV.

Sa Pilipinas, 1,072 bagong kaso ng HIV ang naitala nito lamang Oktubre 2018 ayon sa Department of Health (DOH).

Kaya naman kasabay ng paggunita sa World Aids Day noong Sabado, nanawagan sa publiko ang UNAIDS na sumailalim sa HIV testing.

Paliwanag ni United Nations Programme for HIV and AIDS Country Director Louie Ocampo, isa sa mga dahilan ng paglala ng sakit ay ang hindi pag-alam sa estado ng kalusugan ng isang tao.

Malaki umano ang maitutulong ng pagsailalim sa treatment ng mga taong may HIV dahil maiiwasan na mauwi ito sa pagkasawi.

Ayon sa HIV positive na si Owie, taong 2005 nang malaman ang kaniyang sakit. Nakakatulong aniya ang tamang paggamot upang makapamuhay ng normal ang isang tulad niya.

Sa tala ng UNAIDS, 21.7 milyon lamang sa mga naitalang maysakit na HIV ang sumasailalim sa antiretroviral treatment.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,