Kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, inaasahang bababa sa 3 digits kada araw sa Marso – OCTA

by Radyo La Verdad | February 10, 2022 (Thursday) | 3226

Mahigit 10% pa ang positivity rate sa bansa nguni’t malapit-lapit na ito sa 5% na benchmark ng World Health Organization upang masabing sapat ang isinasagawang testing at kontrolado na ang hawaan sa Pilipinas.

Kahit papaano, pabuti ang sitwasyon ayon sa OCTA research team kaya naman inaasahan nilang pagpasok ng Marso, nasa ilang daan na lang ang maitatalang kaso ng Covid-19 sa bansa.

“We are hoping by march babalik na iyan sa three digits basta tuloy- tuloy na sa pagbaba ng bilang ng kaso at walang mangyayaring mga spikes or major upticks by March sa tingin namin ganoon na rin ang sitwasyon natin sa buong bansa,” ayon kay Prof. Guido David, Fellow, OCTA Research Team.

Noong Disyembere nasa 1% na lang ang positivity rate sa Pilipinas bago kumalat ang omicron variant of concern.

Samantala, balik na sa low risk classification for Covid-19 ang limang lugar sa National Capital Region, ito ay ang lungsod ng Caloocan, Navotas, Taguig, Marikina at bayan ng Pateros.

Ngayong araw, inaasahang mababa na sa isang libo ang maitatalang Covid-19 cases sa NCR.

Gayunpaman, may mga rehiyon pa rin na mataas ang kaso at average daily attack rate. Kabilang dito ang Cordillera Administrative Region, Region 2 at Iloilo City.

Panawagan ng OCTA sa publiko, kahit pababa na ang mga kaso hindi pa rin dapat makalimot sa pagsunod sa safety at health protocols.

Dapat ding mahigpit na maipatupad ito sa mga lugar kung saan nagdaraos ng mga campaign rally ang mga national candidates para sa 2022 elections upang maiwasan ang mga superspreader events sa gitna ng pandemya.

Aiko Miguel | UNTV News

Tags: , ,