Kampo ni Sereno, igagalang ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa kanilang apela ang sa warranto decision

by Radyo La Verdad | June 1, 2018 (Friday) | 2863

Binigyang-diin ng kampo ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno na igagalang at susundin nila anuman ang maging hatol ng katas-taasang hukuman sa kanilang apela na repasuhin ang naging desisyon na patalsikin ang punong mahistrado sa pamamagitan ng quo warranto.

Nagsumite ng motion for reconsideration ang kampo ni Sereno at iginiit na hindi dapat maging basehan ang hindi pagsusumite ng Statement of Assets, Liabilities, and Net worth (SALN) para matanggal sa pwesto ang isang impeachable officer.

Sa ngayon bagaman hinahanap pa rin ang ilang SALN ni Sereno partikular na sa mga taong 1992, 2000, 2003 at 2006 ay wala naman umanong pinanagot at natanggal na mahistrado dahil sa hindi pagpapasa ng nasabing requirement.

Kinwestiyon din sa inihaing mosyon ang quo warranto na ginamit na paraan sa pagpapatalsik kay Sereno dahil impeachment lamang umano ang eksklusibong paraan upang tanggalin ang mga impeachable officers.

Itinuturing naman na pangmamaliit sa rule of law ng International Commission of Jurists (ICJ) ang naging desisyon ng mga mahistrado sa kapalaran ni Sereno.

Samantala, tiwala naman ang Malacañang sa proseso ng Korte Suprema.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,