Hindi nawawala sa listahan ng most corrupt agency sa bansa ang Bureau of Customs sa kabila ng mga hakbang umano nito na lilinisin ang buong kawanihan.
Bunsod nito, tinitignan ng ilang mambabatas ang posibilidad na amyendahan ang ilang batas upang makatulong sa paglilinis sa BOC. Kasunod na rin ito ng pagpasok ng 6.4 billion pesos na halaga ng shabu galing sa China.
Ayon kay House Committee on Dangerous Drugs Chairman Rep. Robert “Ace” Barbers, isa sa kanilang tinitignan ang pagpapaluwag sa ilang probisyon sa anti-wire tapping law. Plano rin nilang magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa isyu ng korapsyon sa buong BOC. Dahil sa usapin sa importasyon ng ilegal na droga, napapanahon na aniya upang maisulong ang pagbabalik ng parusang kamatayan.
At bagamat kuntento si Barbers sa mga paliwanag ng customs officials sa pagpasok ng bilyong pisong droga sa bansa, dapat pa ring ayusin nito ang proseso ng pag-iinspeksyon sa mga kargamento. Pinag-uusapan na rin anila kung papaano pananagutin ang mga responsable sa pagpasok ng kontrabando sa bansa.
(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)
Tags: Bureau of Customs, Kamara, korupsyon