Kakayahan na makalahok sa RIMPAC 2018, patunay na kaya na ng PH Navy na bantayan ang mga karagatan sa bansa

by Radyo La Verdad | August 28, 2018 (Tuesday) | 2593

Matapos ang mahigit dalawang linggong paglalakbay mula Pearl Harbor sa Hawaii, nakabalik na sa Pilipinas kahapon ang nasa pitong daang Philippine Navy participants sa katatapos na Rim of the Pacific Conference (RIMPAC) 2018. Sakay ang mga ito ng strategic sealift vessel na BRP Davao Del Sur at frigate na BRP Andres Bonifacio.

Isinagawa ang joint naval exercises sa Hawaii mula ika-27 ng Hunyo hanggang ika-2 ng Agosto at nilahukan ng dalawampu’t anim na bansa.

Ang RIMPAC 2018 ay ang pinakamalaking international maritime warfare exercise sa buong mundo na nagsimula noon pang 1971.

Ika-26 beses na isinagawa ito ngayong taon ngunit ito pa lang ang unang pagkakataon na nakadalo ang Philippine Navy, gayundin ang mga bansang Brazil, Israel ,Sri Lanka at Vietnam.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, isang mahalagang bahagi sa kasaysayan ng Philippine Navy at sa buong Defense Department ang makalahok sa naturang war exercise.

Bukod aniya sa nakuhang karanasan at natutunan ng Philippine contingent, nagbibigay umano ito ng kumpyansa na makakayanan na ng hukbong pandagat ng Pilipinas na bantayan ang mga karagatang sakop ng bansa.

Ang RIMPAC 2018 ay naging daan din aniya para mas palawakin at palakasin pa ang ugnayan ng Pilipinas sa ibang bansa pagdating sa international relations and cooperations activities.

Kasama sa isinagawang drill ang pagpapalakas ng kaalaman sa international defense at security engagement.

Ipinakita rin ang kapasidad ng naval forces ng mga bansang kalahok sa pagdating sa humanitarian assistance, disaster response, maritime security, sea manoeuvres at complex war fighting.

Sinanay din ang mga ito sa pagpapaputok ng long range anti-ship missiles at surface to surface missiles.

 

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,