Isang oras na mas maagang pasok sa trabaho ng gov’t employees, pinag-aaralan ng MMDA           

by Radyo La Verdad | March 26, 2022 (Saturday) | 17008

Natapos ang tatlong araw na traffic summit ng Metropolitan Manila Development Authority kung saan pinag-usapan ang mga iba’t-ibang suhestyon kung papaano maiaayos ang problema sa trapiko sa Metro Manila.

Kaisa ang mga lokal na pamahalaan, isa sa mga panukalang nabuo ay ang day light saving time, kung saan gagawing mas maaga ng isang oras ang pagbubukas at pagsasara ng mga tanggapan ng gobyerno.

Mula sa dating 8 AM to 5 PM na pasok sa trabaho ng mga empleyado ng gobyerno, iminumungkahi ngayon na gawin itong 7 AM to 4 PM, upang makabawas sa volume ng mga sasakyan at dami ng mga commuter tuwing rush hour.

Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, ramdam ang mabigat na trapiko sa EDSA sa pagitan ng alas siete hanggang alas nuebe ng umaga, at alas singko ng hapon hanggang alas otso ng gabi.

“Lahat po naga-agree na kailangan talagang magbawas ng bilang ng sasakyan sa ating mga kalsada dahil sobra po talaga ang volume ng ating mga kalsada na i-accomodate ‘yong number of vehicles kaya ho talaga nagtatraffic,” ayon kay Romando Artes, Chairman, Metropolitan Manila Development Authority.

Kasama rin sa mga napag-usapan ang pagpapalawig ng number coding scheme sa umaga at pagpapatupad ng truck ban sa EDSA.

Pero paglilinaw ng MMDA ang lahat ng ito ay suhestyon pa lamang at pag-aaralan pa kung papaano ang magiging implementasyon nito at ang epekto sa traffic.

Batay sa monitoring ng MMDA hindi pa rin bumabalik sa pre-pandemic level ang sitwasyon ng traffic sa EDSA.

Sa obserbasyon ng Traffic Engineering Center, bumaba pa sa 370,000 ang daily average ng mga sasakyan na bumabagtas ngayon sa EDSA, na mas kakaunti kumpara sa 390,000 na naitatala noong mga nakaraan.

Ayon sa MMDA, maaring dahil ito sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

“Siguro po in a week or 2 kasi magvo-volume count kami ulit, pagaaralan pa namin yung ibang schemes na ipinopropose at yan ay ibabase namin sa datos na makukuha namin sa susunod na lingo,” dagdag ni MMDA Chairman Romando Artes.

Kasama rin sa mga titingnan ng MMDA ang mahigpit na implementasyon ng designated lanes para sa mga motorcycle rider, pati na ang plano na palaparin pa ang espasyo ng bicycle lanes.

JP Nuñez | UNTV News

Tags: , ,