Isang lalake na naaksidente sa Brgy. Sampaga sa Apalit, Pampanga, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | April 23, 2018 (Monday) | 3678

Inabutan pa ng UNTV News and Rescue Team ang isang lalake na nakahandusay sa daan at halos hindi maigalaw ang kanyang katawan matapos maaksidente sa Apalit, Pampanga pasado alas otso ng gabi noong Sabado.

Ayon sa biktima na kinilalang si Joseph Yabut, pupunta sana siya sa kaniyang kaibigan sa may City of San Fernando sakay ng kanyang motorsiklo.

Ngunit pagdating sa Brgy. Sampaga, biglang lumitaw ang isang aso sa daan. Nabangga niya ito na naging dahilan naman upang matumba ang kanyang motorsiklo.

Nagtamo ang biktima ng sugat sa kanang binti, gasgas sa kanang kamay at paa. Iniinda rin niya ang pananakit ng kanang tuhod.

Nilapatan ng first aid ng UNTV News and Rescue Team ang biktima at pagkatapos ay dinala sa Jose B. Lingad Regional Memorial Hospital.

 

( Leslie Huidem / UNTV Correspondent )

Tags: , ,