Isang bilyong budget para sa cacao intercropping at training para sa cacao farmers, isinusulong sa Senado

by Radyo La Verdad | October 19, 2018 (Friday) | 4984

Minamadali na sa Senado ang pagpasa ng coconut farmer & industry bill.

Ayon kay Senate Committee on Agriculture Chairperson Cynthia Villar, layong ng naturang panukala na maglaan ng isang bilyong pisong budget para sa cacao intercropping at training sa mga magsasaka.

Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng alternatibong pagkakakitaan ang mga magsasaka ng cacao sa pagtatanim ng niyog. Sinabi ito ni Villar sa pagbubukas ng Philippine Cacao and Chocolate Festival sa Davao Convention Center sa Davao City kahapon. Sakaling maging ganap na batas, inaasahang makatutulong ito ng malaki sa kabuhayan ng mga magsasaka sa bansa.

Dagdag pa ng senadora, matutulungan din nito ang mahigit 3.5 milyong cacao farmers sa bansa na kumikita lang ng singkwenta pesos kada araw. Napapanahon aniya ito dahil patuloy na tumataas ang global demand ng cacao products sa Pilipinas na tiyak na makapagbibigay oportunidad sa mga local cacao farmers.

Ang cacao intercropping ay isang paraan kung saan maaring magtanim ang mga magsasaka ng mga cacao sa ilalim ng sinasaka nitong puno ng niyog.

 

( Dianne Ventura / UNTV Correspondent )

Tags: , ,