Isa sa mga suspek sa pagpatay sa 9 na magsasaka sa Sagay City, tukoy na ng PNP

by Radyo La Verdad | October 24, 2018 (Wednesday) | 3307

Lima ang itinuturong suspek sa pagpatay sa siyam na magsasaka ng tubog sa Sagay City, Negros Occidental ayon sa Philippine National Police (PNP), isa sa mga ito ang kilala na ng PNP.

Ayon sa hepe ng Region 6 Police na si Police Chief Superintendent John Bulalacao, natukoy nila ang pagkakakilanlan ng suspek sa tulong ng ilang testigo, subalit tumanggi muna ang pulisya na ibigay ang pagkakakilanlan ng suspek. May interes din aniya sa lupang pinasok ng mga magsasaka ang suspek.

Ayon sa PNP, posibleng umupa ng tao ang may-ari ng lupa upang patayin ang mga magsasaka. Posible rin umanong mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang pumatay sa mga ito.

Samantala, ayon naman kay Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary John Castriciones, land occupation o bungkalan ang ginawa ng mga magsasaka.

Ang 76 na ektaryang lupain ay pribado at matagal ng binigay ng land owner sa dalawampu’t limang donees. Kaya ayon sa DAR, hindi na ito maaring macover ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Hindi rin aniya CARP beneficiaries at residente ng naturang lugar ang naturang mga magsasaka.

Nangako naman ang lokal na pamahalaan ng Negros Occidental na magbibigay ng livelihood assistance at scholarship ang probinsiya sa pamilya ng mga biktima. Tutulong din ito upang magkaroon ng sariling lupa ang mga naulilang pamilya.

Hindi naman natuloy si Pangulong Duterte sa pagbisita nito burol ng mga nasawing magsasaka kagabi.

 

( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,