Incumbent senators at congressmen, kabilang sa sasabak sa senatorial race sa 2019 midterm elections

by Radyo La Verdad | October 16, 2018 (Tuesday) | 7278

Sa ikatlong araw ng pagtanggap ng Commission on Elections (Comelec) ng mga certificate of candidacy (COC) ng mga nais kumandidato sa 2019 midterm elections, naunang dumating si Senator Cynthia Villar.

Ang adbokasiya ni Senator Villar ay pagtulong sa mga mahihirap na sektor partikular na ang mga maliliit magsasaka.

Noong 16th Congress, 27 na mahahalagang batas ang naisulong at naiakda ng senador. Kabilang na dito ang pagtatatag ng Philippine National Railways (PNR), Lemon law, Sugarcane Industry Development Act, Youth Entrepreneurship Act, Anti-agricultural Smuggling Act at iba pa.

Ngayong 17th Congress, pinangunahan naman niya ang pagpapasa sa Senado ng free irrigation law at coco levy trust fund. Nais pa ring tutukan ng senador sa ikalawang termino ang kapakanan ng mga magasasaka.

Dumating rin upang maghain ng COC si Senator Grace Poe. Dumipensa rin si Poe sa pagpabor niya noon sa pagpapasa ng tax reform package na itinuturong dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Si Senator Joseph Victor Ejercito, bagaman humiwalay na sa partido ng kaniyang ama, hindi naman iiiwan ang apelyidong Estrada sa kaniyang COC.

Kasama naman ni Magdalo Party-list Representative Gary Alejano sa paghahain ng kaniyang COC sa pagka-senador si Senator Antonio Trillanes IV na matatapos na ang termino.

Umaasa ang kongresista na hindi siya makararanas ng political persecution dahil sa pagiging kritiko ng administrasyon.

Si Maguindanao Representative Zajid Mangudadatu ay sasabak rin sa senatorial race.

Naghain rin ng kaniyang COC si ang dating senador na si Lito Lapid, ngunit tumanggi na siyang sumagot sa tanong ng media.

Dagsa rin ang ating mga kababayan na nais ring sumabak sa paparating na eleksyon, bagaman ilan sa kanila ay ilang beses nang naghain ng COC at bigong manalo.

Huling nag-file ng kaniyang COC kahapon si Special Assistant to the President Secretary Bong Go.

Personal na sinamahan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ilang miyembro ng gabinete at iba pang opisyal ng pamahalaan si Go sa Comelec.

Sa day 3 ng COC filing, kabuuang 63 na ang nais tumakbo sa pagkasenador sa darating na 2019 midterm elections.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,