Implementasyon ng paglilimita sa byahe ng mga provincial bus sa EDSA, ipagpapaliban ng MMDA sa ika-1 ng Agosto

by Radyo La Verdad | July 5, 2018 (Thursday) | 4465

Hindi muna itutuloy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng paglimita sa byahe ng mga provincial bus sa EDSA sa ika-15 ng Hulyo.

Sa halip, sa ika-11 ng Agosto na ito sisimulan ng MMDA upang mas mapaghandaan ng mga provincial bus ang bagong batas trapiko.

Binago na rin ng MMDA ang oras kung saan ipagbabawal ang pagdaan ng mga provincial bus sa EDSA.

Mula sa dating alas singko hanggang alas diyes ng umaga at alas kwatro ng hapon hanggang alas nueve ng gabi, ililipat na ito ng alas siyete hanggang alas diyes ng umaga at alas sais hanggang alas nueve ng gabi.

Habang mananatili namang exempted ang mga provincial bus sa number coding scheme, maliban na lamang sa mga dumadaan ng C5 road at lungsod ng Maynila.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, layon din ng adjustment na mabigyan ng pagkakataon ang mga pasahero na mapaghandaan ang magiging pagbabago sa pagbiyahe.

Sa ika-23 o 24 ng Hulyo magsasagawa ang MMDA ng dry-run upang makita ang inisyal na magiging epekto ng bagong traffic managent scheme sa daloy ng mga sasakyan sa EDSA.

Dagdag pa ni Garcia, may posibilidad rin na tuluyan nang ipagbawal ang pagdaan ng mga provincial bus sa EDSA kapag nabuksan na ang itinatayong bus terminal sa Valenzuela, Parañaque at Sta.Rosa, Laguna na inaasahang matatapos ngayong taon.

Samantala, sa isang text message sinabi naman ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines na wala silang magagawa kundi sundin ang bagong polisiya ng MMDA.

Saka na lamang umano sila maglalabas ng pahayag kapag nakita na ang aktwal na epekto ng bagong traffic managemen scheme.

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,