Rerebyuhin muna ng Department of Transportation (DOTr) ang naging desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na gawing 10 na ang minimum na pamasahe sa jeep na nakatakdang ipatupad sa linggong ito.
Ayon kay DOTr Road Transport OIC-Usec. Mark de Leon, sa lalong madaling panahon aniya ay makikipagpulong sila sa LTFRB para ipatigil ang implementasyon ng taas pamasahe sa jeep.
Isa sa rerebyuhin ng DOTr ay kung aplikable pa ang dagdag pamasahe dahil nang ihain ang naturang fare increase noon Abril, nasa 80-dollars per barrel ang presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Pero ngayong Oktubre, bumaba na ang presyo sa 70-dollars per barrel. Ikinatuwa naman ng mga pasahero, ngunit tinutulan naman ng mga driver ang desisyong ito ng DOTr.
Ayon kay De Leon, nais umano ni DOTr Sec. Arthur Tugade at ng LTFRB na magkaroon ng isang formula sa pagtaas o pagbaba ng presyo ng pamasahe.
Ang formula na ito ay nakabase na sa presyo ng produktong petrolyo.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )
Tags: DOTr, P10 minimum, pamasahe