Implementasyon ng fare hike sa jeep at bus, posibleng maantala – LTFRB

by Radyo La Verdad | October 25, 2018 (Thursday) | 3735

Kinakailangan munang resolbahin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang petisyong inihain ng isang commuters’ group laban sa nakatakdang dagdag pasahe sa jeepney at bus.

Noong nakalipas na linggo, inanunsyo ng LTFRB na aprubado na ang hiling ng mga transport group na gawing sampung piso ang minimum na pamasahe sa jeep sa Metro Manila, Calabarzon at Central Luzon maging ang pisong dagdag pasahe sa bus na target sanang ipatupad sa ika-3 ng Nobyembre.

Ayon kay LTFRB Chairperson Martin Delgra, sisikapin ng board na madesisyunan ang petition sa lalong madaling panahon.

Kinuwestyon naman ni Zeny Maranan, pinuno ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines ang pahayag na ito ng LTFRB at sinabing hindi naman bumababa ang presyo ng kada litro ng langis sa 25 piso para maantala ang pagpapatupad ng fare hike.

Sinabi rin ni Delgra na may posibilidad ding mabago pa ang itinakdang pamasahe sa jeep at bus depende sa galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Samantala, ayon sa Department of Finance (DOF), kung matutuloy ang suspensyon sa pagpapataw ng dagdag na excise tax sa langis sa 2019, magiging sampung libong piso na lamang ang halaga ng Pantawid Pasada ang maibibigay sa mga jeepney franchise holder.

20,000 piso sana ang panukalang cash assistance para sa 2019 para sa mga maapektuhang driver at operator dahil sa fuel excise tax.

Ngayong 2018, sa 179,000 magihit na jeepney franchise holders, nasa 57,000 mahigit na ang nakatanggap ng fuel vouchers.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,