Implementasyon ng bagong EDSA-Cubao Ortigas zipper lane sa Lunes, ipinagpaliban ng MMDA

by Radyo La Verdad | January 20, 2017 (Friday) | 856

JOAN_ORBOS
Hindi na muna itutuloy ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang planong pagbubukas ng zipper lane sa bahagi ng Cubao main avenue hanggang Ortigas fly-over sa Lunes, January 23.

Sa isinagawang dry-run kanina para sa implementasyon ng bagong traffic management system, naobserbahan ng MMDA na nagdulot ito ng mabigat na trapiko sa ilang bahagi ng EDSA Northbound, kaya naman nagdesisyon ang ahensya na ipagpaliban muna ang implementasyon ng zipper lane.

Pinayagang makapasok ang mga pribadong sasakyan kanina,sa isang lane ng EDSA Northbound mula Cubao main avenue sa Quezon City hanggang makababa ang mga motorista ng Ortigas fly-over.

Bagaman tuloy-tuloy ang daloy ng mga sasakyan na dumaan sa zipper lane, kapansin-pansin naman na naging mabagal ang daloy ng mga northbound na sasakyan na bumabaybay sa EDSA.

Ayon sa MMDA, muli nilang pagaaralan ang pagpapatupad ng nasabing plano, upang matukoy kung papaano pa mas magiging epektibo ang implementasyon nito.

Sa ngayon ay hindi pa matukoy ng ahensya kung kailan opisyal na maipatutupad ang bagong traffic management scheme.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: ,