Impeachment complaint vs Ombudsman Conchita Carpio Morales, inihain sa Kamara

by Radyo La Verdad | December 14, 2017 (Thursday) | 16360

Isang impeachment complaint ang inihain ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC at ilan pang grupo laban kay Ombudsman Conchita Carpio Morales sa Kamara.

Kabilang din sa siyam na complainant ang ilan sa mga pamilya ng apatnaput apat na miyembro ng PNP Special Action Force na nasawi sa madugong engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong February 2015.

Sa 94-pahinang reklamo, inakusahan ng mga ito si Morales ng paglabag sa konstitusyon, betrayal of public trust, treason, bribery at graft and corruption. 

Isa sa mga dahilang kanilang ibinigay ay ang umano’y pagiging bias nito sa kaso ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa mga kasong may kinalaman sa Oplan Exodus at Disbursement Acceleration Program o DAP.

 Subalit walang endorser ang reklamo kaya hindi pa ito maituturing na isang verified impeachment complaint.

Ayon sa rules ng Kamara, dapat na mayroong kongresista na mag-endorse ng impeachment complaint bago ito ma-file at makonsiderang verified complaint.

Sa isang pahayag, sinabi naman ni Ombudsman Morales na wala pa siyang masasabi tungkol sa isyu hanggat hindi pa niya natatanggap ang kopya ng reklamo.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,