Immunity ng mga Marcos, hindi kasama sa panukalang compromise deal sa pamahalaan – Atty. Oliver Lozano

by Radyo La Verdad | January 3, 2018 (Wednesday) | 6526

Sa panukalang compromise agreement na isinumite ni Atty. Oliver Lozano sa Malakanyang, paghahatian ng pamilya Marcos at ng pamahalaan ang mga tagong yaman, pero blangko pa kung ilang porsyento ang hatian. Hindi sakop ng kasunduan ang mga nakaw na yaman na may desisyon na ang korte gaya ng mga alahas ni Ginang Imelda Marcos.

Bilang kapalit, hindi na maghahabol ang pamahalaan sa mga Marcos at pabibilisin ang hatol sa mga nakabinbin pang kaso.

Kilalang loyalista ng mga Marcos si Lozano at ayon sa kaniya, may basbas ito ng pamilya. Pero wala umano sa panukala na bigyan ng immunity ang mga Marcos.

Pero ayon sa tagapagsalita ni dating Senador Bongbong Marcos, walang alam ang pamilya sa mga sinasabi ni Lozano at hindi na ito konektado sa kanila. Itinanggi naman ng Malakanyang na may kasunduan na sa pamilya Marcos.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, tinanggap lamang ng kaniyang opisina ang dokumentong pinadala ni Lozano bilang respeto ngunit wala pa silang aksyon dito. Pero sa sulat ni Panelo kay Lozano, sinabi nitong pag-aaralan pa nila ang panukala na bumuo ng legal team para dito.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: ,