Illegal campaign posters ng mga kandidato, nagkalat sa mga pinagbabawal na lugar

by Radyo La Verdad | February 10, 2016 (Wednesday) | 2043

REYNANTE_POSTER
Sa pag-uumpisa ng campaign period para sa national position sa May 2016 elections, kapansin pansin ang maraming mga campaign poster na nakapaskil sa mga pinagbabawal na lugar.

Sa pag-iikot ng UNTV News Team kagabi, nagkalat pa rin ang mga campaign materials ng mga kandidato sa mga poste ng ilaw at kuryente, tulay, waiting shed, bangketa, paaralan at mga government owned na mga lugar.

Ayon sa Commission on Election, ipinagbabawal ang paglalagay ng mga posters sa mga nasabing lugar.

May ilang ding posters na lampas sa pinahihintulot ng COMELEC 2 feet x 3 feet ang laki.

Bago pa man din nagsimula ang kampanya, nagkalat na ang iba pang poster ng mga kakandidato na may mga pagbati sa fiesta at mga okasyon at mayroon ding mga nag-eendorso ng iba’t ibang produkto.

Kahapon ay isinigawa na din ng COMELEC ang “Oplan Baklas” kung saan tinanggal na mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga illegal campaign materials.

Binigyan din ng MMDA ng tatlong araw ang mga kandidato na alisin ang kanilang mga campaign materials sa mga pinagbabawal na lugar.

At ilagay sa designated areas tulad sa mga barangay centers, palengke, plaza, at mga pribadong lugar na may pahintulot ng may-ari.

Ang napatunayang lalabag sa batas ay papatawan ng parusa.

Maaaring makulong ng isa hanggang anim na taon, tuluyang pagkaka-diskwalipika sa anumang posisyon sa gobyerno, posibleng tanggalan ng karapatang makaboto at maaring ma-disqualify sa pagiging kandidato.

(Reynante Ponte / UNTV Radio Reporter)

Tags: , ,