Ilang tindahan sa Maynila sinita ng DTI

by Erika Endraca | April 11, 2019 (Thursday) | 10868

Manila, Philippines – Sinita ng Department of Trade and Industry (DTI) ang ilang tindera sa Maynila dahil lagpas sa Suggested Retail Price (SRP) ang presyo ng kanilang ibinibentang asukal at karne ng manok.

120 pesos per kilo ang SRP ng manok pero ibinebenta ito sa halagang 135 hanggang 160 pesos.

Kasama rin sa pinuna ng  DTI ang bentahan ng asukal sa isang kilalang supermarket.

Batay sa SRP dapat ay 50 pesos per kilo lamang ang puting asukal habang 45 pesos ang brown sugar.

Pero sa naturang supermarket, natuklasan na ibinebenta ang puting asukal ng 57 pesos kada kilo habang 49.50 ang brown sugar.

Ayon kay DTI Undersecretary for Consumer Protection Ruth Castelo, kinausap at binalaan na nila ang may-ari ng naturang mga tindahan.

“So kinausap natin sila na baka pwede na sumunod sila sa srp syempre sa umpisa pakiusap muna kapag hindi natin nakita na nagcomply sila tsaka natin sila iisyuhan ng violation” ani DTI Consumer Protection Group Usec. Ruth Castelo

Samantala wala namang naobserbahang paggalaw sa presyo ng iba pang produkto.

Nanatili pa rin sa 210 hanggang 230 pesos ang kada kilo ng karneng baboy sa naturang palengke. 70 pesos per kilo ang bentahan ng ampalaya habang 60 pesos sa talong.

Sa repolyo at pechay 50 pesos ang kada kilo, 60 pesos sa patatas at 80 sa carrots. Habang ang tilapia 100 pesos per kilo, at 140 pesos naman ang bangus at galunggong.

Sa ngayon ay wala pang nakikitang epekto ang DTI sa presyo ng bilihin sa kabila ng lumalalang epekto ng el nino sa ilang bahagi ng bansa.

Nauna nang napabalita na nabansot na ang ilang pananim at nagkakaproblema na rin sa produksyon ng itlog  sa ilang probinsya dahil sa nararanasang matinding init ng panahon sa ilang lugar.

“So far wala pa tayong nakikita dahil stable pa ang presyo ng agri products, we will come up with measures kung papaano natin ia-adress yung impact ng el nino para mabawasan yung epekto sa consumers” ani  DTI Consumer Protection Group Usec. Ruth Castelo

Tags: ,