Ilang tindahan ng paputok sa Bulacan, ininspeksyon ng PNP, DTI at lokal na pamahalaan

by Radyo La Verdad | December 14, 2018 (Friday) | 28832

Isang surprise inspection ang isinagawa ng Bulacan police, Department of Trade and Industry (DTI) at lokal na pamahalaan ng Bulacan sa ilang tindahan ng paputok sa bayan ng Bocaue kahapon.

Layon ng mga itong matiyak na walang mga nagtitinda ng iligal na paputok sa lugar, kung sumusunod ang mga ito sa safety standard at may permit na makapag-operate.

Maliban sa butas ang bubong ng isa sa mga tindahang ininspeksyon, wala namang iba pang problema o paglabag na nakita ang mga otoridad sa mga manufacturer at tindahan. Inatasan nito ang may-ari na ipaayos ang problema.

Ayon sa PNP, patuloy ang kanilang isasagawang pagbabantay lalo na at pumasok na ang holiday season at dadami ang demand ng paputok. Marami pa rin anilang mga firecracker manufacturer at dealer ang nag-aaplay upang makapag-operate sa lalawigan.

Ngunit dahil sa memorandum order na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre na suspensyon sa pagbibigay ng mga bagong lisensya upang makapagbenta at makagawa ng mga paputok ay hindi nila binibigyan ng permit ang mga ito. Kaya malaki anila ang posibilidad na may magset-up ng iligal na operasyon.

Panawagan naman ng pamunuan ng Fireworks Association sa bansa, sana ay masugpo rin ng PNP ang mga maglilitawang iligal na paputok. Malaki anila ang epekto nito sa kanilang mga ligal na manufacturer.

 

( Nestor Torres / UNTV Correspondent )

Tags: , ,