Ilang residente sa Zambales, muling bumabangon matapos ang pananalansa ng Bagyong Ompong

by Radyo La Verdad | September 17, 2018 (Monday) | 7496

Malakas na hangin, ulan at matataas na alon sa dagat ang naranasan sa Barangay Bangan, Botolan Zambales noong kasagsagan ng pananalasa Bagyong Ompong.

Agad na lumikas patungo sa mga evacuation center ang mga residente sa takot na mapahamak.

Ngunit sa pagbabalik ni Aling Ermina kahapon sa kanilang bahay, nanlumo siya sa kaniyang dinatnan. Halos puro kawayang nakatayo na lang ang natira sa kaniyang bahay matapos liparin ang bubong at iba pang mga kagamitan

Ganito rin ang sinapit ng bahay nina Jayson Bidiko dahil hindi kinaya ng mga tali at pabigat na kanyang inilagay ang malalakas na hangin na dala ng bagyo.

Kung ang iba ay winasak ng hangin ang mga bahay, ang sa pamilya naman ni Aling Arceli sa Barangay Marangla sa San Agustin, sa ibang bayan naman, bubong na lang kita matapos malubog sa tubig baha.

Kahit malungkot, idinaan na lang niya sa tawa ang kwento ng dinanas na hirap dahil sa Bagyong Ompong.

Sa kabila nito, wala pa ring balak na lisanin ng pamilya ni Aling Arceli ang lugar dahil tanging pagsasaka lang anila ang alam nilang gawin at nandito umano ang kanilang kabuhayan.

Tulad ng dati ay sisikapin na lamang nilang muling makabangon mula sa unos na dinanas. Hiling nito, sana ay matulungan silang muling mabuo ang mga winasak ng bagyo.

Si Mang Eugene naman, nadatnan pa ng news team na inaayos ang kanyang bangka para sana muling makapaglayag at makapaghanap buhay

Tinatayang halos isang linggo pa ang hihintayin para sa ligtas na pagpalaot dahil malalaki pa rin ang alon ng dagat.

Pero ayon kay Mang Eugene, marami pa rin ang nakikipagsapalaran kumita lamang para sa pamilya.

Ngunit sa kabila ng ilang mga palatandaang iniwan ng pananalasa ng Bagyong Ompong sa Zambales, walang naiulat na casualties maliban sa ilang bahay lang sa tabing-dagat na sinira nito.

Nangako naman ang lokal na pamahalaan na tutulungan ang kanilang mga kababayan na muling makabangon mula sa pinsalang idinulot ng Bagyong Ompong.

 

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,