Ilang probisyon sa panukalang BBL, dadaan sa mahigpit na debate sa bicameral conference committee

by Radyo La Verdad | June 5, 2018 (Tuesday) | 6241

150 amendments ang isinagawa sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL). Malaki rin ang pagkakaiba ng bersyon ng Senado sa bersyon ng Kamara.

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, napakahalaga ng magaganap na deliberasyon ng bicameral conference committee upang pagtugmain ang mga magkakasalungat na probisyon sa BBL. Kabilang dito ang sasakuping teritoryo ng Bangsamoro region.

Sa bersyon ng Senado, masasakop ng rehiyon ang 39 na munisipalidad ng North Cotabato pero ito ay tinanggal sa bersyon ng Kamara.

Tinanggal naman ng Senado ang probinsya ng Palawan sa ikinokonsiderang parte ng Bangsamoro.

Tinanggal rin ng Senado ang probisyon kaugnay ng reserved, concurrent at exclusive powers ng Bangsamoro government na kabaligtaran sa posisyon ng House of Representatives.

Pagdating sa hatian ng nakokolektang buwis sa Bangsamoro at National government, 50-50 ang bersyon ng Senado, samantalang 25-75 percent naman sa Kamara pabor sa Bangsamoro.

Ilan pa sa mga probisyon ng Senado na wala sa House version ay ang pagbabawal ng political dynasty. Wala rin sa bersyon ng Kamara ang nakasaad na ang Bangsamoro people ay mamamayan ng Pilipinas.

Kahit maraming nabago para sa ilang senador, hindi ito watered down version.

Inaasahan naman  ni sub committee on BBL Chairman Juan Miguel Zubiri na mas magiging mabusisi ang bicam para sa pagbuo ng isang unified version ng BBL.

Nakatakda ang bicam meeting sa ika-9 ng Hunyo hanggang ika-13 ng Hulyo.

Target naman na maratipikahan ang BBL sa pagbabalik sesyon sa ika-23 ng Hulyo o sa mismong araw ng State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,