Sinita ng Department of Trade and Industry (DTI) ang ilang nagtitinda sa Obrero Public Market dahil sa hindi paglalagay ng price tag sa kanilang mga paninda.
Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, importante ang price tag para maiwasan ang pagsasamantala ng mga negosyante sa presyo ng kanilang mga paninda. Unti-unti namang bumababa ang presyo ng karneng manok, gulay at bigas.
Ang suggested retail price (SRP) ng manok ay 120 kada kilo. Walang SRP ang gulay kaya panawagan ng DTI sa mga consumer, isumbong sa kanila kapag mayroon nagsasamantala ng presyo.
Ayon kay National Food Authority (NFA) officer-in-charge Tomas Escarez, asahan na ang tuloy-tuloy na pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado.
27 pesos ang SRP ng NFA rice, 39-47 pesos ang local rice, habang 39-43 naman ang imported. Wala namang SRP sa mga special rice, pero tuloy ang kanilang price monitoring.
Sa kasagsagan ng pag-iikot ng DTI sa Obrero Public Market, nabahala sila sa mga nakita nilang problema sa kalinisan ng ilang pwesto. Tatawagan ng DTI ang lokal na pamahalaan ng Maynila para aksyunan ang problema.
Samantala, nagpaskil naman ang DTI ng bagong SRP ng prime at basic commodities sa mga grocery store.
Sa ngayon, nagtaas umano ng presyo ang ilang brand ng mayonnaise, keso de bola at ham.
Panawagan ng DTI sa mga consumer, tiyaking tama ang presyo ng kanilang binibili dahil karamihan sa mga pampublikong pamilihan at sa mga grocery store ay ipinapaskil nila ang SRP, kapag napansin nila na hindi tama ang presyo sa SRP, agad itong ipagbigay alam sa DTI.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )
Tags: DTI, Obrero Public Market, price tag