Ilang manufacturer, hindi muna magtataas ng presyo hanggang katapusan ng 2018 – DTI

by Radyo La Verdad | August 28, 2018 (Tuesday) | 47672

25% ng mga brand ng pangunahing bilihin na minomonitor ng Department of Trade and Industry (DTI) ang nagtaas na ng presyo.

At upang hindi mahirapan ang mga mamimili, pinakiki-usapan ngayon ng DTI ang nalalabing 75% na kung maaari ay huwag nang sumunod sa price increase hanggang matapos ang taon.

Ayon sa ahensya, ilan sa mga ito gaya ng manufacturer ng sardinas, canned meat at mga sabong panlaba ang tumugon na sa kanilang panawagan.

Samantala, hinihintay pa ng DTI ang sagot ng mga kumpanyang gumagawa ng gatas, kape at noodles.

Bunsod nito, nakatakda ring i-update ng DTI ang listahan ng kanilang expanded SRP. Tinitiyak ng DTI na sisikapin nilang mapanataling stable ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Gayunman, kailangan ring tutukan ang pagtaas ng presyo ng mga agricultural products gaya ng bigas, gulay, isda, manok at baboy.

Plano naman ng isang consumer group na ihabla sa Ombudsman ang mga opisyal ng DTI dahil sa hindi pagsunod ng mga ito sa kanilang mandato.

Ayon sa Laban Konsyumer group, nilalabag ng DTI ang public service at good governance na isa sa kanilang mga pangunahing katungkulan.

Si Vic Dimagiba ang unang nagmungkahi na magpatupad ng moratorium ang DTI sa dagdag presyo. Nais ng grupo nito na siyam na buwang walang dagdag presyo sa mga pangunahing bilihin.

Sinabi rin ni Dimagiba na walang political will ang DTI upang bantayan na mapapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Nanindigan naman ang mga economic managers ng Pangulong Duterte na ang mga pagtaas sa presyo ng mga bilihin ay hanggang sa katapusan lamang ng taon at magiging stable na ito sa susunod na taon.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,