Ilang mamamahayag kabilang si Rappler CEO Maria Ressa, tampok bilang ‘Person of the Year’ ng Time Magazine

by Radyo La Verdad | December 12, 2018 (Wednesday) | 2428

“The Guardians and the War on Truth”, ganito inilarawan ng Time Magazine ang tema ng kanilang pagpili sa mga mamamahayag na kanilang itinampok sa 2018 ‘Person of the Year’.

Kabilang dito ang Reuters journalist na sina Wa Lone at Kyaw Soe Oo na nakulong sa Myanmar dahil sa umano’y paglabag sa State Secrets Act. Makikita sa isang bersyon ng Time cover ang asawa ng dalawa hawak ang kanilang larawan.

Tampok din bilang Time Person of the Year si Jamal Khashoggi, ang writer at kilalang kritiko ni Crown Prince Mohammed Bin Salman na de facto ruler ng Saudi Arabia. Napaslang ito dalawang buwan na ang nakakaraan sa Saudi Arabian consulate sa Turkey.

Kasama rin sa mga binigyan ng pagkilala ang founder at chief executive officer ng Rappler News Agency na si Maria Ressa na kilalang kritiko ng Duterte administration.

Kasama rin sa pagkilala ang staff ng Capital Gazette newspaper sa Annapolis, Maryland, kung saan isang gunman ang umatake at nakapatay ng limang tao.

Ang Time ‘Person of the Year’ ay isang taunang distinction na layong bigyan ng pagkilala ang mga personalidad o grupo na nagkaroon ng impluwensya sa mga pangyayari sa mundo sa taon na iyon.

Kabilang sa mga nabigyan na ng ganitong parangal sina US Civil Rights Activist Martin Luther King Jr., Queen Elizabeth II at iba pa.

Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng 95-year old American weekly news magazine na itinampok nito ang mga personalidad na mula sa kapareho nitong propesyon.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

Tags: , ,