Ilang mahistrado at mga empleyado ng Korte Suprema, nagsuot ng kulay pula sa flag raising ceremony

by Radyo La Verdad | March 6, 2018 (Tuesday) | 3915

Sa isang bihirang pagkakataon ay nagsuot ng kulay pulang damit ang ilang mga opisyal at empleyado ng Korte Suprema sa flag raising ceremony kahapon.

Walang opisyal na pahayag tungkol dito pero pagpapakita umano ito ng suporta sa labintatlong mga mahistrado na pumilit kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno na mag-indefinite leave simula nitong nakaraang Huwebes. Pinalakpakan pa ang sampung mga mahistrado na dumalo sa flag raising ceremony kanina.

Nakapulang damit sina associate justices Teresita Leonardo De Castro at Samuel Martires at nakapulang kurbata naman sina Associate Justices Diosdado Peralta, Lucas Bersamin at Andres Reyes, pati ang iba pang mga opisyal gaya ni Court Administrator Midas Marquez.

Walang sinasabi kung sinasadya nilang magsuot ng kulay pula o nagkataon lamang ito, pero ang malinaw, walang pulang uniporme ang mga taga Korte Suprema.

Samantala, nagprotesta naman sa labas ng Korte Suprema ang ilang nagpakilalang taga suporta ni CJ Sereno na nakasuot naman ng kulay itim na damit.

Wala umano silang kinabibilangang grupo at kusa silang nagtungo sa Korte Suprema upang ipahayag ang kanilang saloobin sa mga isyu.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,