Ilang mahahalagang kasunduan, nabuo sa 31st ASEAN Summit na ginanap sa bansa

by Radyo La Verdad | November 15, 2017 (Wednesday) | 12430

Sa halos tatlong araw na international event, ilang kasunduan ang nabuo sa pagitan ng ASEAN member-states at dialogue partners nito batay sa common interest at challenges na kinakaharap ng naturang mga bansa.

Sa ASEAN-China Summit, napagkasunduang simulan na ang negosasyon sa pagkakaroon ng code of conduct sa South China Sea matapos ang framework on the code of conduct. Sa ASEAN- Republic of Korea Summit naman, napagkasunduang paigtingin pa ang economic trade.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang ASEAN leaders sa tensyon sa Korean Peninsula at nanawagan ng peaceful denuclearization at resumption ng six-party talks.

Nag-commit naman si Japanese Prime Minister Shinzo Abe sa ASEAN-Japan summit ng 55 billion yen para sa pagpapaigting ng maritime law enforcement capacity. Nangako rin ng rice supply ang Japan sa Laos at Myanmar.

Bukod dito, tutulungan din ng Japan ang mga apektadong residente ng Marawi City at ng Rakhine State ng Myanmar. Pagpapalawig naman ng trade relations ang isa sa mga napag-usapan sa ASEAN- European Summit.

Nagkaisa naman ang ASEAN kasama ang China, Japan at Republic of Korea o ang ASEAN Plus Three na itaguyod ang pagpapaunlad ng ekonomiya kontra protectionism.

Sa ASEAN-Canada Summit naman, ipinagmalaki ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau ang maigting na ugnayan ng Canada sa Southeast Asia at katunayan aniya nito ang pagkakaroon ng Canada-ASEAN Scholarship Program.

Nagbibigay ito ng pagkakataon sa mga mag-aaral ng ASEAN member-states na makapag-aral sa kanilang bansa.

Sa East Asia Summit, ipinunto naman ni Pangulong Duterte ang pagbalangkas ng mga pamamaraan para sugpuin ang mga banta ng seguridad tulad ng terorismo at transnational crimes.

 

( Abi Sta. Ines / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,