Ilang kakandidato sa 2019 elections, nanawagan sa publiko na maging mapagmatyag sa darating na halalan

by Radyo La Verdad | October 19, 2018 (Friday) | 5629

Magbantay at maging mapagmatyag sa darating na halalan. Ito ang panawagan sa taongbayan ng ilang kakandidato sa 2019 midterm elections dahil sa anilaý posibilidad na magkaroon ng dayaan.

Ayon sa senatorial aspirant na si Edmundo Casiño, mula pa noong 2010 ay may mga ebidensiya nang magpapatunay na may dayaan sa ginagamit na automated election system.

Magiging katiwa-tiwala lamang aniya ang resulta ng midterm elections kung ipatutupad ang batas tulad ng pagkakaroon ng digital signature na agad na ipapaskil sa website ng Commission on Elections (Comelec) na galing sa Department of Information ang Communications Technology (DICT).

Sisikapin umano nilang pag-aralan ang memorandum circulars ng Comelec at tutugunan nila ang kahina-hinalang mga kilos ng pandaraya sa halalan.

Ayon naman sa nominee ng isang party-list, maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay sinubukang dayain noong 2016 presidential elections.

Maging ang ilang mga senador, gaya ni Senate President Vicente Sotto III ay naniniwalang posibleng may napakialaman sa resulta ng mga nakaraang halalan. Pero dati nang iginiit ng Comelec na walang patunay ang mga ganitong paratang.

Sa ngayon, automated election system at mga makina ng smartmatic pa rin ang gagamitin sa 2019 elections.

May mga nagsusulong din na gawing hybrid ang sistema ng halalan, mano-mano ang botohan sa presinto habang automated naman ang transmission ng resulta ng bilangan.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,